Larry Gadon kinondena ng NPC sa pambabastos sa 2 mamamahayag
MANILA, Philippines — Kinondena ng National Press Club (NPC) ang ginawang pambabastos ni Larry Gadon, Presidential Adivser on Poverty Alleviation, sa dalawang aktibong media practitioner sa isang press conference sa Maynila, nitong Biyernes.
Sinabi ni NPC President Leonel Abasola na hindi niya hahayaang maliitin at bastusin ang mga mamamahayag lalo na sa mga miyembro ng NPC.
Ang reaksyon ni Abasola ay nag-ugat sa reklamo nina Doris Franche-Borja, reporter/editor ng Pilipino Star Ngayon at Mia Billones, reporter/editor ng Abante News.
Sinabi nina Borja at Billones na ineskortan sila ng mga staff ni Gadon palabas ng press conference dahil umano sa pagtatawanan nila habang nagtatalumpati ito na may mga halong pagbibiro.
Si Gadon ay isa lamang umano sa guests ng nasabing forum sa Tinapayan, sa Sampaloc, Maynila at kasama ang anak na sumita kina Borja at Billones.
Kasunod pa nito ang paglapit ni Gadon sa dalawa kaya nagpaliwanag si Billones na “Yung anak mo kasi, bastos” at pasigaw naman na sinagot ni Gadon ng “Hindi bastos ang anak ko!”
“We urge the Presidential Task Force on Media Security to look into this matter and expect full cooperation from the NPC,” ani Abasola.
- Latest