‘Tol’ saludo sa mga mangingisda, magsasaka at manggagawa
TRECE MARTIRES, Cavite, Philippines — Binigyang-pugay ni Caviteño reelectionist Senator Francis ‘TOL’ Tolentino ang mga mangingisda, magsasaka, at manggagawa ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas grand rally na sa capitol grounds ng bagong kapitolyo ng Cavite, kinilala ni TOL ang ambag ng naturang mga sektor sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa.
“Ang Cavite ay salamin ng buong bansa. Ang istorya ng bawat Caviteño ay istorya rin ng karaniwang Pilipino,” ayon kay Tolentino na tubong Tagaytay.
Pamangkin ng senador si Gobernadora Athena Tolentino ng Cavite.
Aniya, ang sakripisyo at mga pangarap ng mga mangingisda, magsasaka, at manggagawa ng Cavite para sa kanilang pamilya ay ‘di naiiba sa pakikihamok at pag-asa ng milyun-milyong Pilipino sa alin mang bahagi ng bansa.
“Sinasabi ko ito dahil kailangang tulungan ng Kongreso ang sektor ng pangisdaan at agrikultura, gayundin ang sektor ng paggawa sa ating industrial zones,” diin nya.
Hangad aniya ng mga manggagawa ang mas mataas na sahod at mas mababang presyo ng kuryente – kung kaya’t kanyang isinusulong ang pagtatanggal sa 12 percent value added tax (VAT) sa elektrisidad.
Para protektahan ang mga mangingisda, itinulak ni Tolentino ang pagsasabatas ng Philippine Maritime Zones Act (RA 12064).
Tuluy-tuloy din ang kanyang pagtulong sa naturang sektor, kabilang ang mga mangingisdang sinalanta ng malawakang oil spill noong isang taon, at ng kasalukuyang sigalot sa Bajo de Masinloc, Zambales, West Philippine Sea. Gayundin, ipinaglaban ng senador ang panukalang maggagawad ng discount sa mga estudyante sa pagbili ng internet load, para makatulong sa kanilang pag-aaral.
“Ang tuluy-tuloy na laban ng mga Caviteño ay laban din ng lahat ng Pilipino. Magkakaugnay ang ating kasaysayan, gayundin ang ating pag-asam sa magandang kinabukasan. Nawa’y patuloy tayong magkaisa,” pagtatapos ni Tolentino.
- Latest