Senatoriables ng ‘Alyansa’ ‘di apektado sa isyu ng pag-aresto kay FPRRD
CAVITE, Philippines — Buo ang tiwala ng mga senatorial candidates sa ilalim ng partidong “Alyansa para sa Bagong Pilipinas” na hindi sila maaapektuhan ng isyu ng pagkakaaresto ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil lahat aniya sa mga tumatakbo sa kanilang tiket ay may matitibay ng track record na nagawa para sa bayan.
Sa press conference kamakalawa sa kapitolyo sa Trece Martires City, sinabing kumpiyansa sila na mas marami na ang mga matatalinong botante ngayon na mas papanigan ang mga nagawa nila sa bayan at ang kanilang mga plataporma.
“Kung apektado kami sa isyu kay FPRRD, no, not at all.” matapang na pahayag ni senatorial candidate Ping Lacson.
Nanawagan din sila sa publiko na suriin at usisain ang kanilang mga track record at ang mga isinususog na kani-kaniyang plataporma na malaki ang magiging pakinabang ng mga mas nakararaming Pilipino.
Bukod sa mga senatoriables, dumating din si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa grand rally, na nanawagan ng pagkakaisa at huwag gumawa ng kaguluhan para sa kapayapaan at ikauunlad ng bansa.
Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya si senatorial candidate Benhur Abalos sa desisyon ng Timor-Leste na huwag ipa-extradite si dating Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. pabalik sa Pilipinas.
Ayon kay Abalos, kailangang gawin ng ating gobyerno ang lahat para mapauwi sa bansa si Teves upang kaharapin ang mga kasong isinampa laban sa kaniya.
“We are frustrated by what happened in Timor-Leste, but we must never give up. I-source natin lahat ng legal remedies that indeed Arnie Teves must be brought back home to face justice here in our country” ani Abalos.
Aniya, ang hindi pagpapabalik kay Teves ay nagpapakita ng kawalan ng katarungan, lalo na para sa mga pamilya ng mga biktima ng karahasan, tulad ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong 2023.
- Latest