Digong inaresto sa NAIA, ICC warrant inihain

Pagkalapag galing Hong Kong
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Malacañang na nasa kustodiya na ng mga otoridad si dating pangulong Rodrigo Duterte matapos maaresto dahil sa mga krimen laban sa sangkatauhan pagkalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) 3 ng kanyang eroplanong sinasakyan mula sa Hong Kong, alas-9:20 ng umaga.
Ito ay matapos na matanggap ng Pilipinas ang opisyal na kopya ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
“Kaninang madaling araw, natanggap ng INTERPOL Manila ang official copy ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC)” pahayag ng PCO.
Ang kaso ni Duterte ay may kaugnayan sa kasong crimes against humanity na isinampa sa ICC dahil sa madugong anti-drug war campaign.
Sa kabila nito nilinaw naman ng PCO na ang dating pangulo at ang kanyang grupo ay nasa mabuting kalusugan at sinuri ng mga doktor ng gobyerno.
Maliban dito, tiniyak din ng PCO na ang mga opisyal ng PNP na nagpatupad ng warrant ay mayroong suot na body camera at nasa kustodiya na nila.
Samantala,tinawag naman ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na “unlawful arrest” ang ginawa kay Duterte dahil hindi pinayagan na makausap ang kanyang abogado bago arestuhin at ang arrest warrant ay galing sa “spurious source”.
- Latest