EDITORYAL - PUV Modernization dapat nang umusad

PITONG beses nang naipagpapaliban ang PUV Modernization Program (PUVMP) dahil sa pagtutol ng ilang transport groups. Noong 2016 pa ito pinanukala at hanggang ngayon, wala pa ring nangyayari dahil sa mga pagsalungat at pagtutol. Ang aksiyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon para maisakatuparan ang PUVMP ang inaasahan na lamang ngayon. Kung patuloy na ipagpapaliban ang programa, wala itong kahahantungan. Sayang lang mga sinimulan para maisakatuparan ang PUVMP. Sa problemang ito masusubok ang husay ni Dizon.
Sa ilalim ng PUVMP, dapat mag-consolidate at maging miyembro ng mga kooperatiba ang mga jeepney driver at operator. Ayon sa DOTr, ang mga jeepney operator na hindi nakapag-consolidate ay maaaring lumipat sa consolidated cooperatives. Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa 86 percent na ang nag-consolidate at nakapag-comply para sa modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan.
Subalit pinabulaanan ito ng transport group na Manibela at sinabing 46 percent lamang umano ang nag-consolidate. Ayon kay Manibela President Mar Valbuena, sinungaling ang LTFRB na gayun kalaki ang nag-consolidate. Hiniling ni Valbuena kay Dizon na sibakin ang pinuno ng LTFRB dahil sa pagsisinungaling.
Hinamon ni Valbuena si Dizon na suriing mabuti ang kalagayan ng maliliit na driver kung saan may pangako ang pamahalaan na aayusin ang sistema ng transportasyon at kalagayan ng mga drayber ng pampasaherong sasakyan. Kasabay nito, nagkasa ng tatlong araw na tigil-pasada ang grupo ni Valbuena na magsisimula bukas (Marso 24) na tatagal hanggang Marso 26.
Nang maupo si Dizon na DOTr Secretary noong Pebrero, sinabi niya na walang makapipigil sa PUVMP. Pero sinabi rin naman niya na pag-aaralan din itong mabuti. Noong Biyernes sinabi ni Dizon na pagpapasyahan na sa loob ng dalawang linggo kung papayagan ang traditional jeepneys na ma-renew ang kanilang provisional authority at makabalik sa pamamasada.
Una nang sinabi ni Dizon na wala raw ibang paraan kundi yakapin ang modernisasyon para umusad at magkaroon ng improvement ang pampublikong transportasyon.
Naniniwala kami na maipatutupad ang PUVMP sa ilalim ng pamumuno ni Dizon. Makukumbinsi niya ang mga sumasalungat na yakapin ang modernisasyon at talikuran na ang mga tradisyunal na jeepney na nagdudulot ng air pollution. Walisin nang tuluyan ang mga sasakyang lumalason sa hangin at palitan ng mga makabagong sasakyan. Matagal nang nakabinbin ang PUVMP at dapat nang umusad.
- Latest