^

Punto Mo

‘Pinas kapos sa ligaya kahit Pinoy masayahin

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Kilalang masayahin ang mga Pinoy anuman ang kalagayan nila sa buhay. Nagagawa pa rin nilang tumawa o ngumiti sa kabila ng mga kahirapan, kabiguan o kalungkutan o anumang problema.

Pero kakatwa na laging napakababa ng grado ng Pilipinas sa taunang sukatan ng isang pandaigdigang organisasyon sa mga masasayang bansa sa mundo.

Lumabas noong nakaraang linggo ang World Happiness Report para sa 2025 na inilathala ng University of Oxford katuwang ang Gallup, Sustainable Development Solutions Network ng United Nations at ng isang independent editorial board. Sa report, nasa ika-57 puwesto ang Pilipinas sa hanay ng mga masasayang bansa sa mundo.

Nangunguna naman ang Finland na pinakamasayang bansa na sinundan ng Denmark, Iceland at Sweden. Nasa ika-23 puwesto ang United Kingdom at ika-24 ang United States.

Sinasabi sa report na dumarami ang mga Amerikano na kumakain nang nagsosolo.

Pinakamalungkot na bansa naman ang Afghanistan.

Sa report noong 2024, nasa ika-53 puwesto ang Pilipinas na itinuring na pangalawang pinakamasayang bansa sa Southeast Asia. Malaking pagbabago ito kahit paano dahil nasa ika-76 na puwesto ang ranggo ng Pilipinas noong 2023.

Ano ang sukatan ng World Happiness Report?

Sa Finland, malaki ang tiwala ng mga tao na maibabalik pa sa kanila ang nawala nilang pitaka. ­Laging may kasamang kumakain ang mga mamamayan. Hindi sila nag-iisa. Meron silang tiwala sa isa’t isa.

Ilang obserbasyon din na ang mga mamamayan sa Finland ay kuntento sa buhay nila, gumagana ang demokrasya sa kanilang bansa at mababa ang antas ng katiwalian.

Ipinaliwanag ni Gallup CEO Jon Clifton na ang kaligayahan ay hindi lang hinggil sa kayamanan o pag-unlad. Hinggil din ito sa tiwala, kuneksyon at kabatirang may mga taong sumusuporta sa iyo.

Ipinahihiwatig din sa pananaliksik na may mga bagay na nakakaimpluwensiya sa kaligayahan ng tao tulad ng kung meron siyang nakakasalo sa pagkain at, kung meron kang problema o malungkot ka halimbawa o nasa kagipitan, meron kang ibang taong nasasandalan o handang sumuporta sa iyo.

Mahigpit ding nakatali sa kaligayahan ang paniniwala sa kabutihan ng kapwa tao. Halimbawa, isang indikasyon na masaya ang isang populasyon kung naniniwala ang mga mamamayan na ibabalik ng ibang tao ang nawala nilang pitaka.

Kung iaaplay ito sa senaryo sa Pilipinas, hindi lang pitaka ang maihahalimbawa rito. Ang cell phone na nawala ay malabo nang maibalik. Makapagsusumbong ka sa mga awtoridad pero hindi na mababawi ang gadget mo. Makakabalita naman lagi ng mga taong ibinabalik sa may-ari ang napupulot nilang pera pero napakabihirang makarinig na may nagsoli ng nawawalang cell phone.

Malawak pa rin ang agwat ng mga maralita at mayayaman. Talamak ang mga katiwalian. Napakahirap magtiwala sa kapwa. Kailangang maging maingat hindi lang sa aktuwal na buhay kundi pa pati na rin sa internet o social media.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

PINOY

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->