Mayang (180)
“HUWAG kang mag-isip ng ganyan, Mayang,’’ sabi ni Jeff.
“Bigla kasing lumakas ang kaba ng dibdib ko, Jeff.’’
Hinawakan ni Jeff ang palad ng asawa. Malamig ang palad.
Hanggang sa tuluyang makalapit sila sa musoleo ng asawa ni Lolo Nado na si Lola Encar.
Hindi makapagsalita si Mayang nang makita na nakahiga si Lolo Nado sa sahig sa tabi ng nitso ng asawa. Parang hindi na gumagalaw ang matanda habang nakahiga.
“Lolo Nado!” sigaw ni Mayang.
Patakbong bumaba sa traysikel si Mayang at tinungo si Lolo Nado.
Mabilis namang sumunod si Jeff sa asawa.
“Lolo Nado! Lolo Nado!” sigaw ni Mayang at tinapik-tapik si Lolo Nado na walang kakilus-kilos sa pagkakahiga.
“Ano Mayang? May nangyari ba kay Lolo Nado?’’ tanong ni Jeff.
Hindi sumagot si Mayang at patuloy na tinapik si Lolo Nado.
“Lolo Nado! Lolo Nado!’’
Maya-maya, gumalaw si Lolo Nado. Kinilos ang kamay.
Maya-maya, nagmulat ang mga mata.
“Lolo Nado!” sabi ni Mayang na parang nabuhayan ng pag-asa.
“Mayang?”
“Ako nga Lolo Nado!”
“Anong oras na Mayang?”
“Ala una na po ng hapon, Lolo.”
“Ang haba ng tulog ko. Masarap palang matulog sa tabi ng nitso ng asawa ko.”
“Kanina ka pa po namin hinahanap, Lolo.”
“Hindi na ako nagpaalam kasi birthday ngayon ni Encar. Dinalhan ko ng bulaklak! Matagal na kasi akong hindi nakakadalaw sa kanya.”
Hindi makapagsalita sina Mayang at Jeff.
Talagang mahal na mahal ni Lolo Nado si Lola Encar.
(Itutuloy)
- Latest