^

Punto Mo

EDITORYAL - Parang bumaril lang ng manok!

Pang-masa
EDITORYAL - Parang bumaril lang ng manok!

Nararapat maghigpit ang Philippine National Police (PNP) sa pagtanggap ng aplikante para magpulis. Idaan sa masusing neuropsychiatric exam ang aplikante para matiyak na nasa wastong kaisipan. May mga pulis na kapag naisyuhan na ng baril ay nag-iiba na ang sarili. Sa halip na ang baril ay gamitin sa oras ng panganib at sa pagtatanggol sa sarili, ginagamit sa pagpatay sa kapwa—nang walang kalaban-laban.

Marami nang nangyari na pumatay ang pulis dahil lasing at nakipagtalo at mayroong dahil sa away sa trapiko. Nagpadala sa bugso ng galit at nalimutan na ang inisyu sa kanyang baril ay para sa pagtatanggol sa sarili sa oras ng kagipitan. Dahil sa galit sa nakaaway, ginamit niya ang baril at nakapatay.

Hindi malilimutan ang nangyaring pamamaril ng isang pulis noong Disyembre 20, 2020 sa Paniqui, Tarlac. Binaril ng pulis ang mag-ina. Ang dahilan ng pamamaril ay ang pagpapaputok ng boga ng biktima. Ang namaril na pulis ay si Senior Master Sgt. Jonel Nuezca. Binaril niya sa ulo ang mag-inang Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25.

Nagsumbong umano ang anak na babae sa amang pulis sa ginagawang­ pag­papaputok ni Anthony ng boga. Pinuntahan ito ng pulis­ at sinapak­. Nang aarestuhin si Anthony, niyakap ng inang si Sonya para protektahan. Doon na nagsimula ang malagim na pangyayari. Binaril ni Nuezca si Anthony. Hindi pa nasiyahan, binaril din nito si Sonya. Pagkaraang barilin, walang anumang naglakad pauwi si Nuezca. Para lang bumaril ng manok.

Noong nakaraang Huwebes ng gabi sa Tandang Sora Avenue, Bgy. Old Balara, Quezon City, binaril ng isang pulis ang nakagitgitang drayber ng L300 van. Nakilala ang pulis na si PEMS Randy Tuzon, 48, nakadestino sa Batasan Police Station 6, residente ng Bgy. Kaligayahan, Quezon City. Ang biktima ay nakilalang si Ronnie Borromeo, 42, ng Valenzuela City. Nagtamo nang maraming tama ng bala sa katawan ang biktima at patay na nang dalhin sa ospital. Ang kasama ni Borromeo ay malubhang nasugatan.

Ayon sa pulisya, nagkagitgitan ang sasakyan ng dalawa. Hanggang iharang ng pulis ang kanyang sasakyan sa L300 ng biktima. Nagkasagutan sila hanggang binaril ni Tuzon si Borromeo nang maraming beses. Pagkatapos ng pamamaril walang anumang umalis ang pulis. Makalipas ang ilang oras sumuko rin siya.

Marami nang pulis ang nakapatay ng kapwa gamit ang baril. Hindi na nakapag-isip na kasama sa tungkulin niya na maging mahinahon at laging ipatupad ang maximum tolerance. Hindi dapat mangibabaw ang silakbo ng galit. Dahil may baril, ginamit ito sa nakagalit o nakatalong kapwa sa halip na sa criminal. Kailan magkakaroon ng aral ang ilan sa mga nakauniporme?

PNP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with