Nigerian model, nagpakitang gilas sa Guinness World Record sa pinakamahabang lakad sa fashion show!
ISANG Nigerian model ang nakatanggap ng Guinness World Record matapos niyang makuha ang titulo ng “Longest distance walked on a catwalk by a model” sa kanyang nakamamanghang 125.11 km (77.74 mi) na paglalakad sa entablado!
Para sa madaling paghahambing, ang distansiyang nilakad ni Ololade ay katumbas ng paglalakad mula Quezon City hanggang Tarlac!
Ngunit hindi lang ito tungkol sa pagsungkit ng Guinness World Record, ito rin ay isang runway show na may malalim na layunin.
Kasama ni Ololade sa entablado ang iba’t ibang modelo, kabilang ang may albinism, vitiligo, tribal marks, at plus-size models, upang magpakita ng diversity at ipanawagan ang pagtanggap sa sarili.
Ayon kay Ololade, nais niyang lumikha ng isang runway kung saan lahat ay may puwang, anuman ang itsura o laki ng katawan.
Ang ideyang ito ay nag-ugat sa isang personal na karanasan nang minsang sabihin sa kanya sa isang audition na hindi sapat ang kanyang height para maging modelo.
Sa kabila ng matinding hamon tulad ng sugat sa paa, pagod, at pagkakaroon ng sakit, hindi siya sumuko. “Bawat hakbang ko sa runway ay isang laban sa mga stereotype at hadlang sa fashion industry,” aniya.
Damang-dama ni Ololade ang tagumpay matapos ang lahat ng pagsubok. Para sa kanya, ang Guinness World Records title na natanggap niya ay isang patunay na ang pangarap ay kayang maging realidad basta may sipag, tiyaga, at paniniwala sa sarili.
- Latest