‘Walis’ (Part 1)
KAPAG nakakakita ako ng walis tingting, hindi ko maiwasang maalala ang mga nangyari sa aking kabataan. Malaki ang kaugnayan ng walis sa aking buhay at maituturing ko na ito ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob para lumaban at tumayong mag-isa sa buhay. Kung hindi sa mga naranasan ko sa walis tingting ay baka hindi ako nakarating sa kinalalagyan ko ngayon.
Ulila akong lubos. Magkasunod na namatay sina Itay at Inay noong ako ay limang taong gulang. Si Lola Nita (ina ni Inay) ang nag-aruga at maayos na nagpalaki sa akin.
Pero hindi rin nagtagal ang buhay ni Lola Nita sapagkat noong nasa first year high school ako, nagkapulmonya siya at namatay. Iyak ako nang iyak. Wala nang titingin at mangangalaga sa akin. Wala na ring magpapaaral sa akin.
Kinatakutan ko kung ano ang mangyayari sa akin nang mawala si Lola. Paano na ako. Mabuti man lang sana kung may kapatid ako at hindi gaanong mababahala.
Nang mailibing si Lola, nag-alok si Tiya Clem (kapatid ni Inay) na sa kanila na raw ako tumira. Pag-aaralin din daw ako. Sa Maynila naninirahan si Tiya Clem.
“Sa akin ka na tumira, Divina at pag-aaralin kita,’’ sabi ni Tiya Clem.
Dahil wala akong ibang mapupuntahan, pumayag ako. Naisip ko, dahil kapatid ni Inay si Tiya Clem, ituturing din niya ako na kanyang anak.
Pero mali ang akala ko, nagdusa ako sa pagtira sa bahay ni Tiya Clem. Bagamat pinag-aral ako sa high school, alila ang turing niya sa akin. (Itutuloy)
- Latest