Puwede ba ang agarang preventive suspension?
Dear Attorney,
Puwede bang patawan agad ako ng preventive suspension kahit hindi hiningi ang aking panig bago suspendihin? —Kelvin
Dear Kelvin,
Nakasaad sa Section 8 ng Rule XXIII, Book V ng Omnibus Rules Implementing the Labor Code na maaring patawan ng preventive suspension ang isang empleyado kung ang patuloy niyang pagpasok sa trabaho ay magdudulot ng panganib sa buhay o ari-arian ng kanyang employer o ng kanyang mga kasamahan sa trabaho.
Ayon naman sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Beja Sr. v. CA (207 SCRA 689) na hindi parusa ang pagpapataw ng preventive suspension sa isang empleyado. Bagkus ay isa lamang itong paraan ng pag-iingat sa panig ng employer upang malayang maimbestigahan ang sinasabing ginawang kamalian ng empleyado.
Dahil hindi naman isang parusa ang preventive suspension, puwedeng isabay ang pagpapataw nito sa pagbibigay ng notice to explain sa empleyado ukol sa kanyang naging violation. Ibig sabihin, hindi kailangan na marinig ang panig ng empleyado bago siya isailalim sa preventive suspension.
- Latest