P300 milyong inilaan ng PAGCOR sa pasilidad at pagsasanay ng PNPA

MANILA, Philippines — Naglaan ng P300 milyon ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa pagpapabuti ng pasilidad at pagsasanay ng mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA).
Sa ika-45 taon ng PNPA Alumni Homecoming sa Silang, Cavite, sinabi ni PAGCOR Chairperson Alejandro Tengco na mahalaga ang modernong teknolohiya at pasilidad upang mas epektibong labanan ang krimen.
Nilinaw ni Tengco na mapupunta ang pondo sa pagtatayo ng PNPA Alumni Association Building; pag-upgrade ng Crime Scene Plaza para sa forensic training; paggamit ng firearms training simulators; pagkuha ng crime mapping at cybercrime investigation software at paghahatid ng patient transport vehicle na may kumpletong medical equipment.
Nabatid na nagbigay din ang PAGCOR ng P2.2 milyon para sa isang service vehicle at 100 tablets para sa pag-aaral ng mga kadete.
Nagpasalamat naman si Usec. Gilbert Cruz ng Presidential Anti-Organized Crime Commission sa tulong ng PAGCOR sa pagpapaunlad ng PNPA.
- Latest