VP Sara, Harry Roque, Robin Padilla dumating sa ICC

MANILA, Philippines — Sinamahan nina dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque at Senator Robin Padilla si Vice President Sara Duterte sa pagbisita sa kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Nabatid na magkakasamang pumasok ang tatlo sa visitors entry hours ng ICC, ilang oras bago ang nakatakdang pagharap ng dating pangulo sa hukuman.
Tumanggi naman munang magbigay ng panayam ang bise presidente sa mga mamamahayag na nag-aabang sa kanya doon at nangakong magpapaunlak rin naman ng interview sa media.
Matatandaang ilang oras lamang matapos na dalhin sa The Hague ang dating pangulo ay kaagad na ring lumipad patungong Amsterdam ang bise presidente upang kausapin ang mga abogado ng ama at dalawin ito.
Inaasahan namang haharap si FPRRD sa pre-trial chamber ng ICC dakong alas-2 ng hapon doon o alas-9 ng gabi dito sa Pilipinas, dahil sa kinakaharap na crimes against humanity.
Ito rin naman ang unang pagkakataon na nagpakita sa publiko si Roque matapos na mangibang bansa kasunod nang pagkakasangkot sa kanya sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Pilipinas.
- Latest