Transparency, fair trial sa pulis na vlogger tiniyak ng PNP
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang transparency at patas na paglilitis sa pulis na vlogger na bumanat kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. at sa PNP at humihimok sa kaniyang mga kasamahan na mag-aklas sa pamahalaan.
Ayon kay PNP Public Information Offce Chief, Police Col. Randulf Tuaño, kahit may naging paglabag si Patrolman Francis Steve Tallion Fontillas, dadaan pa rin ito sa due process.
Magugunitang pormal na ipinagharap ng Quezon City Police District (QCPD) ng reklamong inciting to sedition dahil sa umano’y panghihikayat nito na mag-aklas.
Giit ni Tuaño, ang kaso laban sa naturang pulis ay dahil sa hindi awtorisado at may bahid-pulitikang mga komentaryo nito sa social media patungkol sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Para naman kay PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil, hindi plataporma ang social media para sa personal o pulitkal na agenda.
Nabatid na si Pat. Fontillas na dating nakatalaga sa District Personnel and Holding Administrative Section ng QCPD mula Pebrero 2025 ay idineklarang Absent Without Official Leave (AWOL) mula Marso 6 ng taong kasalukuyan.
- Latest