75 madayang timbangang kinumpiska ng Valenzuela LGU

MANILA, Philippines — Alinsunod sa mas pinaigting na Operation Timbangan, nasa 75 na madayang timbangan ang kinumpiska ng Valenzuela LGU kasunod ng mga sumbong na kanilang natatanggap mula sa mga mamimili.
Sa isinagawang press conference kahapon sinabi ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, ang mga kinumpiska ay mga walang selyo, kulang sa timbang at mali ang sukat.
Ani Gatchalian, bahagi pa rin ito ng kampanya ng pamahalaang lungsod para mabigyang seguridad ang mga consumer.
Target din dito na maitaguyod ang transparency sa mga transaksyon sa merkado, at mapalakas ang patas na mga gawi sa negosyo sa loob ng lungsod.
Sisirain naman ng LGU ang mga timbangan na hindi na maaayos pa at may papatawan din ng penalties ang mga tinderang nahuling nandaraya.
Kasunod nito, ipinaalala naman ni Mayor Gatchalian sa mga nagtitinda sa palengke ang umiiral na ordinansa sa lungsod kung saan mapapanagot ang mga nagtitinda na nandaraya ng timbangan.
Binigyan diin naman ni Committee Chairman on Market and Slaughterhouse, Councilor Ghogo Deato Lee sa ilalim ng New Market Code Ordinance sa Valenzuela City ang sinumang vendor o establisimyento na lalabag at mahuhuling gumagamit ng madayang timbangan ay papatawan ng multa mula ?5,000 hanggang ?15,000.
- Latest