DSWD hindi magagamit sa eleksyon
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi sila magagamit ng sinumang kandidato sa panahon ng eleksiyon.
Ang paniniyak ay ginawa ni DSWD Asst. Secretary at spokesperson Irene Dumlao, kung saan sinabi nito na hindi nila pahihintulutan na gamitin ng mga kandidato ang mga ipinamamahaging tulong ng ahensiya sa mga nangangailangan.
Hindi rin makakaporma ang mga kandidato dahil ginagawa ang pay out sa DSWD offices. Bawal na makiisa dito ang mga kandidato gayundin ang paglalagay ng mga campaign materials.
Kung ang pay out aniya ay gagawin sa labas ng bakuran ng DSWD, may mga field officers naman na nakabantay sa pay out area para maiwasan ang pag-epal ng mga kandidato.
Mahigpit din ang kanilang pagbabantay sa kanilang mga pay out areas na dapat walang campaign materials at walang kandidato dapat sa lugar.
Samantala, niliwanag din ni Dumlao na ang mga 4Ps beneficiaries na nasa survival level o walang kakayahan na makabili ng cellphone ang tanging mapapagkalooban ng mobile phone ng ahensiya para magamit sa pagtanggap nila ng financial support sa pamamagitan ng GCash.
- Latest