Bentahan ng President Rice, tigil muna sa Valenzuela

MANILA, Philippines — Ipinatigil muna ng Department of Agriculture ang bentahan ng President Rice sa New Marulas Public Market sa Valenzuela matapos na matuklasang imported at ibinebenta umano ito sa halagang P62 kada kilo, may P13 taas sa P49 MSRP sa imported rice.
Ang bagay na ito ay iniimbestigahan na ng DA. Sinuri rin ng mga tauhan ng DA ang mga nakuhang samples ng bigas sa naturang palengke kasama na ang Bachelor, Kokuyo, at Shining Star.
Samantala, napatunayan din sa naturang palengke na naibebenta dito ang karne ng baboy na mataas sa naitakdang MSRP pork na P380 per kilo sa liempo, P360 kada kilo sa pigue at kasim samantalang P300 sa sabit ulo (pig carcass).
Sa pag-iikot ng DA team sa palengke, nasa P420 ang kada kilo ng liempo, P370 hanggang P380 ang kilo ng kasim at pigui at sabit ulo sa halagang P305. Sa kabila na ang farm gate price ng baboy ay P230 per kilo lamang.
Ipinayo rin ng DA sa mga vendors na lagyan ng presyo ang mga panindang karne para sa kaalaman ng mga mamimili.
Bahagya namang tumaas ang presyo ng kilo ng manok ng may taas na P10 hanggang P20 per kilo, mataas kumpara sa nagdaang buwan.
Ang mga gulay naman na galing Balintawak ay tumaas ang presyo ng may 30 percent.
- Latest