Ex-PCO chief Cruz-Angeles, 10 iba pa iko-contempt ng Kamara
MANILA, Philippines — Nahaharap sa posibleng contempt at pagkakaaresto sina dating Presidential Communications Office Chief Trixie Cruz-Angeles at 10 iba pa kung hindi na naman sisipot sa pagdinig ng Kamara sa mga disinformation at fake news sa iba’t ibang social media platforms.
Ipinatatawag ng House Tri-Committee (Tri-Comm) bukas sa ikatlong pagdinig nito ang 11 social media personalities at vloggers, kabilang si Cruz-Angeles kaugnay ng lumalaking banta ng disinformation at fake news na bumabaha sa social media.
Una nang naglabas ang Committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, at Public Information ng show cause order para sa mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng malisyosong online content.
Bukod kay Cruz-Angeles, maaaring macontempt sina Aeron Peña, Allan Troy “Sass” Rogando Sasot, Elizabeth Joie Cruz, Dr. Ethel Pineda Garcia, Jeffrey Almendras Celiz, Krizette Laureta Chu, Lorraine Marie Tablang Badoy-Partosa, Mark Anthony Lopez, Mary Jean Quiambao Reyes, at Richard Tesoro Mata.
Ayon kay Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, overall chair ng Tri-Comm, ang imbestigasyon na ito ng Kongreso ay layong panagutin ang mga indibidwal na nagpapakalat ng mali at mapanlinlang na impormasyon online.
- Latest