‘Kamote’, ‘Mangga’, Dodongs tumiba rin sa confidential funds ni VP Sara

MANILA, Philippines — Bukod kay Mary Grace Piattos, binigyan din umano ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte sina “Jay Kamote”, “Miggy Mango” at lima pang may pangalang Dodong.
Sinabi ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V na ang pagkakadiskubre ng nasabing mga kahina-hinalang pangalan ay lalo anyang nagpalakas sa alegasyon nang hindi tamang paggamit sa P612.5-M confidential funds ni VP Sara.
Sinabi ni Ortega na ang pangalang “Jay Kamote” ay katunog ng pangalan ng isang root crop habang ang “Miggy Mango” ay kahawig ng isang prutas.
Nakatanggap din umano ng confidential fund sina Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong, at Dodong S. Barok batay sa mga nakuhang ebidensya ng House prosecution team na naghahanda na para sa isasagawang impeachment trial ng Senado.
“Una, may chichirya at cellphone. Ngayon, may prutas at kamote na. At higit sa lahat, mukhang ‘Dodong Gang’ na ito! Hindi lang isa, hindi lang tatlo—limang Dodong ang nasa listahan,” puna ni Ortega.
Una nang lumutang sa umano’y mga pekeng resibo ang mga pangalang Mary Grace Piattos, “Pia Piatos-Lim,” “Renan Piatos,”na ang mga apelyido ay kinopya sa snack brand, gayundin ang “Xiaome Ocho,” na tulad naman sa smartphone.
Gaya ng mga naunang pangalan ay nadiskubre rin na ang “Jay Kamote,” “Miggy Mango” at lima pang Dodongs ay walang mga petsa at rekord ng mga kapanganakan, death records sa Philippine Statistics Authority (PSA), pero lumitaw pa rin aniya ito sa OVP confidential fund reports.
- Latest