Dating sundalong Chinese, 2 iba pa timbog sa POGO extortion

MANILA, Philippines — Dinakip ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tatlong dayuhan, kabilang ang isang dating sundalo ng China, dahil sa umanong raket sa money-making kaugnay ng ipinagbabawal na POGO operations sa bansa.
Ayon kay CIDG-National Capital Region director Col. Marlon Quimno, target ng isinagawang entrapment operation nitong Marso 17 sa Pasay City si Changao He.
Lumilitaw na kinuhanan ni He ng P5 milyon ang kanyang kapwa Chinese national kapalit ng pagpapalaya sa isang naarestong dayuhan mula sa isang anti-POGO operation.
Nabatid pa kay Quimno na sinubukan nina Yong Pin Pang, 32, at Ming Wei Xiong, 33, na sagipin si He na natuklasang dating miyembro ang dalawa ng People’s Liberation Army ng China.
Nagsagawa ng operasyon ang CIDG matapos humiling ng karagdagang P2.5 milyon ang complainant.
Lumabas sa imbestigasyon na ginagamit lang ni He ang pangalan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para kumita sa mga kapwa Chinese.
Inihahanda na ang mga kasong kriminal laban sa tatlong naarestong Chinese national.
- Latest