^

Punto Mo

Ang totoong ‘The Big One’

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NANG tumama ang 7.7 magnitude na lindol sa Myanmar na kumitil nang maraming buhay at puminsala nang malaking halaga ng ari-arian, muling nabuhay sa ating kamalayan ang kinatatakutan nating “The Big One,” isang malakas na lindol na tulad ng nangyari sa Myanmar, na kapag tumama sa Metro Manila ay kagya’t kikitil ng mahigit 35,000 tao at magpapabagsak sa mahigit 168,000 gusali.

Ang “The Big One” ay mangyayari dahil sa West Valley Fault, isang active fault na magpa­pagalaw sa 100-kilometrong lupain na sumasakop sa Bulacan, Rizal, Laguna, Cavite, Quezon City, Pasig City, Marikina City, Taguig City, at Muntinlupa City.

Ayon sa Phivolcs, ang huling malakas na paggalaw ng West Valley Fault ay noong 1658, o 367 taon na ang nakalilipas. Gumagalaw ang fault na ito sa tuwing ika-200 hanggang ika-400 taon. Ayon sa mga eksperto, “hinog na hinog” na ang fault line at malapit nang bumigay.

Hindi natin kontrolado ang pagdating at lakas ng lindol.  Ang kontrolado lamang natin ay ang ating paghahanda at pagtugon. Marami nang ipinatupad ang gobyerno na mga disaster pre­paredness trainings at evacuation plans. Dahil sa nangyaring malakas na lindol sa Myanmar, bagamat hindi naman kasama ang bansang ito sa ating fault line, siguradong paiigtingin pa ang mga pagsasanay.

Pero ang tanong, nakahanda na ba tayo sa pagdating ng “The Big One?” Hindi pa, ito ang sagot ng marami. Pero sa totoo lang, wika ng mga eksperto, walang makapaghahanda nang husto sa pagdating ng isang malakas na lindol.  Sa kabila ng paulit-ulit nating training sa “duck, cover, and hold,” baka kapag lumindol na nang malakas ay wala tayong gagawin kundi ang “takbo, takbo, takbo.”

Bukod sa pagpapatibay ng mga imprastratura, kailangan natin ang pagpapatibay ng ating pagkatao o karakter sa panahon ng trahedya. Kung ang mangingibabaw sa atin sa panahon ng trahedya ay ang pagkamakasarili, panlalamang, pagsasamantala, at kawalan ng malasakit sa kapwa, mababaon tayong lahat sa lupa ng kabiguan. Ngunit kung ang mangingibabaw sa atin ay ang diwa ng malasakitan, damayan, at bayanihan, kayang-kaya nating makabangon bilang isang bansa.

Lubos ang aking tiwala na ang pagtatagumpay natin laban sa “The Big One” ay nakasalalay sa paghahanda natin sa pagdating ng totoong “The Big One,” walang iba kundi ang muling pagbabalik ni Hesus bilang Diyos at Tagapagligtas upang hukuman ang buong sangkatauhan.

Sa totoong “The Big One,” ang mga nakapaghanda ay maliligtas, ngunit ang mga hindi ay mapapahamak. Ganito ang babala sa Marcos 13:35, “Kaya’t maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa umaga.”

Paano ba naghahanda ang isang tagasunod ni Hesus sa muli Niyang pagbabalik? Sinabi ni Hesus na anumang ginawa natin sa ating kapwa ay sa Kanya natin ginawa. Kung pinakain natin ang nagugutom, Siya ang pinakain natin. Kung pinagmalupitan natin ang ating kapwa, Siya ang pinagmalupitan natin.

Samakatuwid, ang mga handa na sa muling pagbabalik ni Hesus ay nagtataglay ng mga katangiang magsasalba sa atin sa panahon ng trahedya—ang malasakitan, damayan, at bayanihan.

Kung handa na tayo sa totoong “The Big One,” ang darating na “The Big One” ay hindi na ganoon kalaki, kaya na natin itong hawakan! 

LINDOL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->