Nawalan ng trabaho
Dear Dr. Love,
Ako po si Mario, 34 anyos, dating construction worker pero nawalan ng trabaho nung magsimula ang pandemya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakabalik sa maayos na trabaho. Samantalang ang misis kong si Jessa ang siyang kumakayod para sa amin—sa anak, sa bahay, sa lahat.
Araw-araw po akong kinukuwestyon ng sarili ko. Para bang nawalan na ako ng halaga bilang asawa at ama. Nakikita ko ang pagod ng misis ko. Hindi man siya nagsasalita, ramdam kong may bigat na rin siyang kinikimkim. Lalo na kapag may mga pagkakataong hindi ko maibigay ang mga kailangan ng anak namin o kahit simpleng gastusin sa bahay.
Hindi ko naman ginusto ito, Dr. Love. Araw-araw akong naghahanap ng trabaho pero parang laging hindi ako sapat. Minsan naiisip kong baka mas mainam pa sigurong umalis na lang ako para hindi na ako pabigat. Gusto kong bumawi pero parang wala nang espasyong pagbawian.
Dr. Love, normal po ba ‘tong nararamdaman ko na parang wala na akong silbi? Paano ko maibabalik ang respeto ko sa sarili kung tila wala nang respeto ang paligid ko—pati na rin ako sa sarili ko?
Mario
Dear Mario,
Hindi sinusukat sa sweldo o trabaho ang pagiging tunay na lalaki o asawa. Ang hirap ng pinagdaraanan mo ay hindi mo kasalanan. At higit sa lahat, hindi mo kailangan sukuan ang pamilya mo dahil lang sa panandaliang paghina.
Ang mahalaga ay patuloy kang lumalaban at hindi mo iniiwan ang responsibilidad mo—emosyonal man, moral, o ispiritwal. Hindi ka pabigat kung nagsusumikap ka. Higit pa sa pera, kailangan ka ng asawa’t anak mo bilang haligi ng tahanan na nagbibigay ng pag-asa at direksyon.
Magpakatatag at tumindig ka, Mario. Habang may araw, may pag-asa. Habang may pamilya kang pinanga-ngalagaan, may dahilan para magpatuloy. Hindi mo kailangan maging perpekto, sapat nang totoo kang nagmamahal.
DR. LOVE
- Latest