Ingatan ang iyong kuko
MAY mga kaso kaming nakita na na-“murder” ang kuko ng customer ng isang manikurista. Nasugatan at nagkaroon ng malalang impeksyon sa daliri ng paa.
Ayon sa isang pagsusuri sa America, may 50% ng mga salon ang gumagamit ng kontaminadong kagamitan pang-pedicure at manicure. May bacteria na natagpuan sa kanilang mga nail clippers, nail file, at tubig na pinangbababad sa kuko.
Paano tayo iiwas sa impeksyon? Sundin ang mga payong ito:
1. Pumunta lamang sa mga malinis na salon o manikurista na sa tingin mo ay masinop sa trabaho.
2. Ibabad ang mga gamit (tulad ng nail clippers at iba pa) sa 70% rubbing alcohol sa loob ng 20 minutos. Gawin ito bago gamitin sa panibagong customer.
3. Kailangan maghugas maigi ng kamay ang manikurista at ang customer bago magsimula.
4. Mag-dahan-dahan lang. Kapag may kirot na naramdaman, ang ibig sabihin ay nagkasugat na at puwede itong magdulot ng impeksyon. Lagyan agad ng alcohol o povidone iodine ang sugat.
5. Kung ikaw ay may diabetes, namamanhid ang paa o na-stroke, ang payo namin ay huwag na lang magpa-pedicure. May problema sa ugat (nerves) ang mga diabetic at puwedeng hindi maghilom ang mga sugat nila sa paa. Baka maputol pa ang paa.
6. Mag-ingat sa paghila ng mga “hangnail” o iyung mga balat sa tabi ng kuko. Ang paghila at pagkasugat nito ang pinanggagalingan ng impeksyon sa daliri.
First-aid sa sugat sa daliri:
Para sa matinding impeksyon sa daliri ng paa o kamay, ganito ang dapat gawin.
Bumili kayo ng Povidone iodine, bulak at band-aid. Kumuha ng maliit na pirasong bulak at lagyan ito ng Povidone iodine. Ipatong ito sa ibabaw ng sugat sa loob ng matagal na panahon.
Kung kakayanin ay gamitan ng band-aid para mapirme ang bulak na may Povidone iodine. Hayaan lang na nakababad ang iyong sugat sa Povidone iodine ng buong araw. Patakan ng dagdag na Povidone iodine kapag natuyo na ito.
Gawin ito ng 7 araw, hanggang sa tuluyang mawala na ang pamamaga ng balat. Kapag nanuot ang Povidone iodine sa balat, mapapatay nito ang mikrobyo sa sugat at gagaling na ito. Ituloy-tuloy lang ang paglalagay ng Povidone iodine hanggang sa gumaling ang iyong daliri.
Tandaan: Mas mahalaga ang kalusugan kaysa sa pagpapaganda. Kung mag-i-impeksyon lang ang daliri, ay mabuti pang wala na lang manicure o pedicure. Good luck po!
- Latest