Gabica silat kay Hohmann
MANILA, Philippines - Hanggang sa huling laro ay napanatili ni Thorsten Hohmann ang magandang pagtumbok para siyang hirangin bilang kampeon ng 2013 World 9-Ball ChamÂpionship na nagwakas noong Biyernes ng gabi sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Pinatahimik ng German pool player ang mga Pinoy na sumusuporta kay Gabica nang kakitaan ng suwabeng paglalaro tungo sa 13-7 panalo.
Naunang nagdomina ang 41-anyos na si Gabica nang hawakan ang 6-4 kalamangan. Pero sa hindi maipaliwanag, nagtala ng mga unforced errors ang 2006 Doha Qatar Asian Games gold medalist sa sumunod na walong racks at ito ay kinapitalisa ni Hohmann para unang umabante sa hill, 12-6.
Nasimulan ito nang sumablay ang tila madaling straight shot sa ball sa 11th rack na nagbigay sana sa kanya ng 3-rack lead (7-4).
Nakakuha pa ng isang panalo si Gabica sa 19th rack pero nakadisgrasya si HohÂmann matapos magpalitan ng safety sa one-ball para kunin ang titulo.
Halagang $36,000.00 ang napanalunan ni Hohmann pero higit sa pera, nakuha niya ang ikalawang titulo na nangyari 10 taon matapos manalo sa unang pagkakataon noong 2003 sa Cardiff, Wales.
Si Gabica ang ikaapat na sunod na Pinoy cue-artist na pinataob ni Hohmann. Ang mga nauna ay sina Dennis Orcollo (11-8), Jeff de Luna (11-7) at Carlo Biado (11-4).
Ang magpapagaan sa loob ni Gabica sa pagkatalong ito ay ang $18,000.00 na kanyang napanalunan sa unang malaking torneo na sinalihan sa taon.
- Latest