Ex-convict Rolito Go, kinasuhan sa korte
Sa pananakit, pagwawala sa condo
MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kasong grave coercion, perjury at public scandal sa Quezon City Prosecutors Office ang negosyante at ex-convict na si Rolito Go.
Ito’y kaugnay sa kanyang pagwawala at pananakit sa isang security guard ng isang condominium building sa Cubao, Quezon City.
Sa sinumpaang salaysay nina HOA president Lamberto Beltran Dela Cruz at HOA Board Member Regina Ty Montes, sumugod umano si Go sa tanggapan ng HOA para ipawalang-bisa ang eleksyon kung saan natalo ang anak ni Rolito na si Russel Go na dating bise presidente ng HOA.
Hinala nina Dela Cruz at Ty, armado ng baril si Rolito na nanadya pa umanong ibagsak ang dalang clutch bag kung saan karaniwang inilalagay ang baril.
Sa records ng Quezon City Police District Station 7, Pebrero 14 nang pwersahang pasukin ni Rolito ang opisina ng Porto Vita Condominium Homeowners Association at galit na binulyawan ang dalawang HOA officers ng hindi pumabor sa kagustuhan nito ang resulta ng election of officers ng Homeowners Association sa Portovita Condominium.
Lalong ikinagalit nito ang pagkatanggal sa pwesto bilang bise presidente ng asosasyon ang kanyang anak na si Russel.
Sa ngayon, maayos nang na-take over ng mga bagong opisyal ang HOA at umaasa na magbabalik na sa normal ang operasyon.
Taong 1991 nang bumida si Go matapos barilin ang noo’y De La Salle engineering student na si Eldon Maguan dahil sa away trapiko. Nakulong si Go ng 25 taon sa loob ng bilibid.
- Latest