Korte ang tamang lugar
MANILA, Philippines - Mahinahong pinapaalalahanan lang ng Pangulo ang mga senador na nangunguna sa imbestigasyon kay Vice President Jejomar Binay na dapat igalang ang karapatan ng isang tao at ang korte ang tamang lugar para matukoy kung merong kasalanan o wala ang isang indibidwal.
Ito ang pahayag ni OVP Media Affairs Head Joey Salgado bilang reaksyon sa panawagan ni Pangulong Benigno Aquino III sa Senate Blue Ribbon Committee na tapusin na ang ginagawa nitong mga imbestigasyon.
“Sa simula pa lang, binabalewala ng mga senador na ang isang akusado ay ipinapalagay na inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala,” puna ni Salgado. “Ang mga imbestigador na ito ay binubulag ng obsesyon nilang siraan si Vice President Binay kaya duda kaming susundin nila ang panawagan ng Pangulo.”
Ayon pa kay Salgado, duda ang kanilang kampo kung makakaramdam ng pagkapahiya ang mga senador na kailangan pa silang paalalahanan ng Pangulo na merong mga trabahong kailangang tapusin ng Kongreso lalo na ang pagpapatibay sa 2015 budget.
“Makikita ang kanilang prayoridad sa itinakda nilang isa pang pagdinig sa Nobyembre 17 na unang araw ng deliberasyon ng Senado sa badyet,” sabi pa ni Salgado.
Samantala, sinabi ni Salgado na kahina-hinala ang pinagmulan, kahalagahan at ang authenticity ng tinatawag na mga balikbayan box ng mga dokumento na hawak umano ng testigong si dating Vice Mayor Ernesto Mercado.
Ayon kay Salgado, ang sinasabing “box of lies” na puno ng dokumento na mula 1980’s at 1990’s ay hindi umano tiyak ang pinagmulan, kaduda-duda at hindi orihinal.
Isa sa tinukoy ni Salgado ang iprinisintang architectural services contract na kinuha sa nasabing kahon at umano’y nilagdaan ni Gng. Binay at isang arkitekto at lumalabas na ito ay na-forge o pineke.
Sa nasabi ring box kinuha ang mga resibo mula sa Tagaytay Highland na hindi pinatunayan na pag-aari ng isang log cabin tulad ng sinasabi ni Mercado.
- Latest