Comprehensive plan vs baha sa Las Piñas, ilulunsad
MANILA, Philippines — Sa pagdiriwang ng Earth Month, inilahad ni Las Piñas mayoral candidate Carlo Aguilar ang isang komprehensibong plano upang tugunan ang matagal nang problema ng pagbaha sa lungsod—isang isyung itinuturing na pinakamalubha ng mga residente, ayon sa pinakahuling survey ng Grassroots Analytics Philippines.
Ayon sa survey, konektado ang problema ng pagbaha sa hindi maayos na pamamahala ng basura. Itinuro ng mga residente ang maling pagtatapon ng basura bilang pangunahing dahilan ng madalas na pagbaha sa mga lansangan at komunidad.
Bilang tugon, inilatag ni Aguilar ang isang malawakang estratehiya na kinabibilangan ng pagsasaayos, pagpapalawak, at modernisasyon ng drainage system ng Las Piñas.
Aniya, ang tag-init ay tamang panahon upang isagawa ang regular na paglilinis ng mga ilog, sapa, at daluyan ng tubig upang masiguro ang malayang pag-agos ng tubig.
“Ang pag-aalis ng bara sa ating mga kanal ay isang bahagi lamang ng solusyon. Kailangan din nating pagbutihin ang pamamahala ng basura at tiyaking aktibong kalahok ang ating mga komunidad sa pagpapanatili ng kalinisan at kaligtasan laban sa baha,” diin ni Aguilar.
Isa sa mga pangunahing hakbang ng kanyang programa ay ang pagtatatag ng mas episyente at organisadong sistema ng koleksyon ng basura. Ayon kay Aguilar, sa ilalim ng kanyang pamumuno, paiigtingin ng lungsod ang operasyon ng mga garbage truck na pag-aari ng lokal na pamahalaan sa halip na umasa sa mamahaling pribadong contractors. Sa ganitong paraan, mababawasan ang gastos at mapapabuti ang serbisyo.
- Latest