15 pulis-Davao nagpositibo sa droga, namumurong masibak sa serbisyo!
MANILA, Philippines — Nahaharap sa pagkakasibak sa serbisyo ang 15 miyembro ng Police Regional Office 11 ( PROX1) o Davao Region matapos silang magpositibo sa paggamit ng illegal na droga base sa resulta ng isinagawang drug test, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ni PROX1 Director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete, aktibo ang kaniyang tanggapan sa pagsasagawa ng drug test sa kapulisan sa Davao Region simula pa noong nakalipas na taon.
Ayon kay Rosete, bahagi ito ng internal cleansing sa PRO-11 na matiyak na drug-free ang Davao Region cops para maging karapatdapat ang mga ito sa kanilang mandato na magserbisyo sa publiko.
Sinabi ni Rosete na iprinoproseso na ang dokumento ng dismissal laban sa naturang mga parak na naligaw ng landas matapos na lumitaw sa drug test na positibo ang mga itong gumagamit ng illegal na droga partikular na ang shabu.
“This move is part of PRO-XI’s intensified campaign to cleanse our ranks of individuals involved in illegal drugs”, anang heneral na binigyang diin ang commitment ng kaniyang tanggapan na maging propesyunal ang mga personnel nito para mapanatili ang tiwala ng publiko. Gayunman, tumanggi muna si Rosete na tukuyin ang mga pangalan ng mga nagpositibo sa paggamit ng illegal na droga dahil kinukumpleto pa ang prosesong administratibo laban sa mga ito.
- Latest