Lacuna, nakakuha ng suporta sa mga truckers
MANILA, Philippines — Nakakuha ng suporta mula sa grupo ng mga truckers si Manila Mayor Honey Lacuna para sa kanyang kandidatura.
Ang kandidatura ni Lacuna ay pormal na iniendorso ng Confederation of Truckers Association of the Philippines, Inc. (CTAP), na binubuo ng libu-libong truck owners, operators at mga manggagawa na nakabase sa Maynila, sa isang pagtitipon sa Century Seafoods Restaurant, kahapon ng hapon.
Tinukoy ng grupo, sa pamumuno ng pangulo nitong si Mary Zapata, na nagdesisyon silang suportahan ang alkalde matapos nitong kaagad na maresolba ang maraming problema na naranasan ng mga truckers sa panahon ng pamumuno ng nakalipas na administrasyon ni Isko Moreno, partikular ang “extortion activities”.
Ani Zapata, mayroon silang 12,000 trucks na nag-o-operate araw-araw at ang mga ito ay china-charge ng P2,500 kada truck, kada buwan, upang makagamit lamang ng ilang kalsada sa lungsod.
Ang mga hindi naman “enrolled’ ay hinuhuli at pinagbabayad ng P8,000 sa bawat pagdaan sa Maynila.
Laking pasalamat naman ng grupo dahil natigil umano ito nang magsimula nang manungkulan si Lacuna at inisyu ang Executive Order 41, na nagbabawal sa paniningil ng “passing through fees” na labis na ipinagpapasalamat ng mga truckers.
Nangako rin naman ang grupo na binubuo ng 1,200 operators-members at nasa 12,000 operational units, na ipangangampanya si Lacuna sa halalan.
- Latest