Pag-angkin ng China sa Sandy Cay, pag-atake sa soberanya ng Pinas - Tol
MANILA, Philippines — Kinondena ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang deklarasyon ng China na “sovereign jurisdiction” sa Sandy Cay sa West Philippine Sea sa pagsasabing ito ay isang mapangahas na pag-atake sa soberanya ng bansa.
“Mariin kong kinokondena ang iligal na pag-agaw ng China Coast Guard sa Sandy Cay 1 – isang malinaw na paglapastangan sa sobreranya ng Pilipinas. Ang Sandy Cay ay nasa loob ng ating teritoryal na karagatan – walang dudang bahagi ng ating bansa ayon sa batas internasyonal,” sabi ni Tolentino.
“Ang walang kabuluhang panghihimasok na ito ay dapat matugunan ng pinakamalakas na diplomatiko at depensibong mga hakbang,” sabi pa ng reelectionist na senador.
Si Tolentino, na namumuno sa Senate Special Committee on Admiralty and Maritime Zones, ay hinimok ang mga awtoridad ng Pilipinas na iprotesta ang pinakabagong agresyon ng China sa West Philippine Sea.
Tinatawag ng gobyerno ng Pilipinas ang Sandy Cay, bilang Pag-asa Cay 2, habang ang China ay tinatawag itong Tiexian Jiao. Bahagi ito ng pinagtatalunang mababang pampang o bahura ng coral, rock at sand na matatagpuan sa Spratly Islands malapit sa Pag-asa Island sa WPS.
Sa ulat ng China Global Times, sinasabing ang mga tauhan ng Chinese Coast Guard (CCG) ay nagpakita ng bandila ng China sa Sandy Cay at ipinatupad ang pamamahala sa dagat.
- Latest