123 pawikan nasamsam
MANILA, Philippines - Umaabot sa 123 pawikan ang nasabat ng pinagsanib na mga elemento ng Philippine Navy at ng Local Government Units (LGUs) sa isinagawang serye ng inter-agency operations laban sa mga notoryus na poachers na sumisira sa yamang dagat sa karagatan ng Barangay Calaguisan sa bayan ng Balabac, Palawan.
Sinabi ni Philippine Navy spokesman Lt. Col. Omar Tonsay, aabot sa 123 pawikan ang nakumpiska sa tatlong nakalubog na mga hawlang gawa sa mga bakawan malapit sa dalampasigan sa nabanggit na barangay.
Sa kabuuang 123 nasamsam na pawikan ay aabot sa 117 ang buhay at 6 naman ang patay na.
Ang pawikan ay ipinagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na hulihin dahil isa itong ‘endangered species’.
Gayon pa man, nabigo ang mga awtoridad na masakote ang anim na poachers na mabilis na nakalayo sakay ng dalawang maliliit na bangkang-de-motor.
Ayon sa opisyal ang mga nasamsam na pawikan na tumitimbang ng 50 hanggang 60 kilo bawat isa ay itinurnover na sa BFAR sa Palawan.
- Latest