Trike sinalpok ng truck: 2 patay, 6 sugatan

MANILA, Philippines — Dalawa katao ang nasawi habang anim pa ang nasugatan matapos ang salpukan ng isang rumaragasang pickup truck na minamaneho ng isang senior citizen at tricycle sa kahabaan ng Davao-Bukidnon Road sa Sitio Lanitum, Brgy. Suawan, Marilog District, Davao City kamakalawa.
Sa ulat ng Davao City Police, nangyari ang insidente sa nasabing lugar bandang alas-3:15 ng hapon.
Base sa imbestigasyon, kasalukuyang bumabagtas ang isang pickup truck na minamaneho ni Pescadero Fabio Jr., 76-anyos nang mawalan ito ng kontrol sa manibela sa pakurbadang daan sa nasabing lugar at sa kamalasan ay bumangga sa kasalubong na tricycle na minamaneho naman ni Loenel Sestoso, 26-anyos.
Si Sestoso ay dead-on-the-spot sa insidente na ayon sa Central 911 responders ay wala nang pulso nang magresponde sila sa lugar sanhi ng matinding sugat na tinamo sa katawan nito.
Ang isa pang biktima ay ang 6-taong gulang nitong pasahero na si Sam Anya Lucero na binawian ng buhay alas-9:10 ng gabi sa Southern Philippines Medical Center sa lungsod.
Patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang anim pang pasahero ng tricycle driver na kinilalang sina Hanelyn Dalipe Suarez, 30; Lovely Mae Dalipe, 28; Rylle Fabio Angelo Abordaje, 6; Shiela Mae Nalugan, 28; Jovelyn Buisan Maderse, 30; Cyra Maderse, 3-anyos.
Ayon sa pulisya, nawalan ng kontrol sa manibela ang lolong driver ng pickup truck na nagbunsod sa trahedya. Siya ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in 2-counts of homicide at 6-counts of physical injuries.
- Latest