Petro Gazz itinulak ang ZUS sa Game 3

MANILA, Philippines — Binalikan ng Petro Gazz ang ZUS Coffee, 25-19, 25-13, 28-26, sa Game Two para itabla ang kanilang quarterfinals series sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 17 points mula sa 15 attacks, habang may tig-11 markers sina Myla Pablo, MJ Phillips at ang nagbabalik na si Jonah Sabete para sa two-time PVL champions.
Ipinagdiwang din ni Van Sickle ang kanyang ika-27 kaarawan.
Bumalikwas ang Gazz Angels mula sa naunang 21-25, 23-25, 25-27 kabiguan sa Game One para itulak ang Thunderbelles sa ‘do-or-die’ Game Three sa Martes.
Ang mananalo ang sasampa sa semifinals na isang singe-round robin at magdedetermina sa maglalaban sa best-of-three championship series.
Swak na sa semis ang Choco Mucho at Akari.
“The last couple of practice, we talked a lot about our performance in Game 1 and told ourselves we couldn’t play like that again,” sabi ni Phillips.
“So we just kept on re-learning. We calmed down and focused on getting it one point at a time,” dagdag ng Fil-Am.
Matapos dominahin ang first at second set ay nahirapan ang Petro Gazz sa third frame kung saan nakabangon ang ZUS Cofee mula sa 19-23 agwat para makatabla sa 26-26 sa likod nina Jovelyn Gonzaga at Thea Gagate.
Umiskor si Van Sickle para sa matchpoint ng Gazz Angels kasunod ang overreaching violation ng Thunderbelles.
Nagtala si setter Chie Saet ng 18 execellent sets para sa Petro Gazz, ang No. 2 team sa elimination round.
Pinamunuan ni Chinnie Arroyo ang ZUS Coffee sa kanyang 10 points at may tig-walo at pito sina Gagate, Chai Troncoso at Gonzaga, ayon sa pagkakasunod.
- Latest