Heat pinigil ang pagbulusok
MIAMI - Nagpasabog si Andrew Wiggins ng 42 points at nagdagdag si Tyler Herro ng 29 markers para banderahan ang Heat sa 122-105 panalo sa Charlotte Hornets at tapusin ang kanilang 10-game losing slump.
Nag-ambag sina Kel’el Ware at Davion Mitchell ng tig-12 points habang may 11 markers si Bam Adebayo para sa Miami (30-41).
Umiskor si Nick Smith Jr. ng 19 points at tumipa si LaMelo Ball ng 18 points at 11 assists para sa Charlotte (18-53) na tuluyan nang nasibak sa playoffs.
Nagtayo ang Hornets ng isang 12-point lead bago nagbagsak ang Heat ng 24-4 bomba para agawin ang 57-47 halftime advantage patungo sa paglilista ng 96-85 kalamangan papasok sa fourth quarter.
Sa Portland, kumolekta si Jayson Tatum ng 30 points, 9 assists at 9 rebounds sa 129-116 pagpapatumba ng nagdedepensang Boston Celtics (52-19) sa Trail Blazers (32-40).
Sa Salt Lake City, kumamada si Jarrett Allen ng 18 points at may 16 markers si Donovan Mitchell sa 120-91 pagtuhog ng Cleveland Cavaliers (57-14) sa Utah Jazz (16-56).
Sa Detroit, naglista si Ron Holland II ng season-high 26 points sa 136-130 pagdaig ng Pistons (40-32) sa New Orleans Pelicans (19-53).
- Latest