Curry-less Warriors dinagit ng Hawks
ATLANTA — Nagsumite si Trae Young ng 25 points at 10 assists para sa kanyang ika-41 double-double sa season sa 124-115 pagdagit ng Hawks sa Golden State Warriors.
Umiskor si Georges Niang ng 23 points mula sa 6-of-9 shooting sa 3-point distance habang tumipa si Onyeka Okongwu ng 20 points at 12 rebounds para sa Atlanta (34-36).
Naglaro ang Golden State (41-30) na wala si injured star guard Stephen Curry (pelvic contusion), ngunit nakahugot kay Jimmy Butler ng 25 points at 20 markers kay Moses Moody.
Ang pang-limang triple ni Niang ang nagbigay sa Hawks ng 21-point lead, 106-85, sa fourth quarter at hindi na nilingon ang Warriors.
Sa Los Angeles, bumanat si Coby White ng 36 points sa 146-115 paglampaso ng Chicago Bulls (31-40) sa Lakers (42-27) at diniskaril ang pagbabalik sa aksyon ni LeBron James mula sa strained left groin injury.
Sa Sacramento, kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 32 points at 17 rebounds sa 114-108 paggiba ng Milwaukee Bucks (40-30) sa Kings (35-35).
Sa New York, nagposte si Karl-Anthony Towns ng 31 points at 11 rebounds sa 122-103 panalo ng Knicks (44-26) sa Washington Wizards (15-55).
- Latest