Petro Gazz, Zus Coffee laglagan sa semis spot

MANILA, Philippines — Paglalabanan ng Petro Gazz at ZUS Coffee ang ikaapat at huling semifinals ticket sa 2024-25 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Muling magtutuos sa huling pagkakataon ang Gazz Angels at Thunderbelles ngayong alas-6 ng gabi sa Game Three ng kanilang quarterfinals series sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Sumampa na sa single-round robin semifinals ang nagdedepensang Creamline, Choco Mucho at Akari matapos ang two-game sweep sa Chery Tiggo, PLDT at Galeries Tower, ayon sa pagkakasunod.
Ang semis ay isang single-round robin na magdedetermina sa top two teams na maglalaban sa best-of-three championship series.
Umiskor ang ZUS Coffee ng 25-21, 25-23, 27-25 panalo sa Game One bago nakatabla ang Petro Gazz sa Game Two, 25-19, 25-13, 28-26, tampok ang pagbabalik ni Jonah Sabete.
Bukod sa panalo ng Gazz Angels sa Thunderbelles ay ipinagdiwang din ni Fil-Am Brooke Van Sickle ang kanyang ika-27 kaarawan noong Sabado.
“My birthday wish was for the team to come out and play as themselves, just to have good energy,” wika ni Van Sickle na personal na pinanood ng kanyang mga magulang na sina Gary at Lisa sa Ynares Center sa Antipolo City.
Inaasahan ni Van Sickle na magiging pahirapan ang ikatlong pagtutuos ng Petro Gazz at ZUS Coffee sa hu-ling pagkakataon.
Muling makakatuwang nina Van Sickle at Sabete sa Petro Gazz sina Myla Pablo, Aiza Maizo-Pontillas, MJ Phillips, Chie Saet at Jellie Tempiatura.
Muling itatapat ng ZUS Coffee sina Jovelyn Gonzaga, Thea Gagate, Chinnie Arroyo, Chai Troncoso, Mich Gamit at Cloanne Mondoñedo.
- Latest