Painters ginulat ang Beermen sa Lapu-Lapu City
MANILA, Philippines — Bumangon ang San Miguel mula sa 18-point deficit sa fourth quarter para makalapit sa three-point disadvantage sa huling 1:06 minuto.
Ngunit nanatili sa kanilang porma ang Rain or Shine sa likod nina veteran Gabe Norwood at guard Rey Nambatac.
Tatlong free throws ang isinalpak nina Norwood at Nambatac sa dulo ng final canto para tulungan ang Elasto Painters na takasan ang Beermen, 91-85, sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Umiskor sina Norwood at Javee Mocon ng tig-16 points para akayin ang Rain or Shine sa kanilang ikatlong panalo sa 10 laro at buhayin ang tsansa sa eight-team quarterfinal round.
Nadiskaril naman ang hangad na back-to-back wins ng San Miguel at nahulog sa 6-4.
Para makahirit sa No. 8 seat sa quarters ay kailangang talunin ng tropa ni coach Caloy Garcia ang Meralco.
Nakawala ang Elasto Painters sa second period, 28-15, hanggang ilista ang 21-point lead, 65-43, mula sa tatlong sunod na three-point shots ni Norwood sa huling apat na minuto ng third canto.
Sa likod nina import John Holland, five-time PBA MVP June Mar Fajardo, Arwind Santos at Chris Ross nakadikit ang Beermen sa 85-88 sa huling 1:06 minuto ng laro mula sa 60-78 agwat.
Ang agaw ni Norwood kay Fajardo ang nagresulta sa kanyang dalawang charities sa huling 43.2 segundo at nagdagdag ng isang charity si Nambatac para sa 91-85 abante ng Rain or Shine.
- Latest