Corteza, Reyes kinapos sa Derby City Classic
MANILA, Philippines – Hindi kumapit ang suwerte kina Lee Van Corteza at Efren ‘Bata’ Reyes nang mabigo sila sa hinangad na titulo sa idinadaos na 2015 Derby City Classic sa Horseshoe, Southern Indiana.
Si Corteza ay umabot sa finals sa Bigfoot 10-Ball Challenge nang talunin sina Rodney Morris (11-8), Mika Immonen (11-10) at ang kababayang si Jeffrey Ignacio (11-7) upang harapin sa titulo ang two-time champion na si Shane Van Boening ng USA.
Ngunit ang inaasahang magandang ipakikita ng tubong Davao na si Corteza ay hindi nangyari dahil lutang ang galing ni Van Boening sa itinalang 11-2 panalo.
Ito ang ikalawang sunod na laro ni Van Boening na tinalo niya sa ganitong iskor ang kalaban at ang una ay inukit laban kay Alex Pagulayan sa semifinals ng kompetisyon.
Halagang $16,000.00 ang napanalunan ni Van Boening habang si Corteza ay nakontento sa $8,000.00.
Ang nagdedepensang kampeon na si Dennis Orcollo ay natalo kay Ignacio sa quarterfinals, 8-11 at nakontento sa gantimpalang $4,000.00 katulad ng prem-yong nakuha ni Ignacio.
Samantala, si Reyes ay namuro na makagawa ng kasaysayan sa 17-taong kompetisyon nang mapabilang siya sa tatlong manlalaro na may tsansang mapanalunan ang 9-Ball Banks.
Wala pang bilyarista sa kasaysayan ng kompetisyon na nanalo sa tatlong malalaking palaro na 9-Ball, One Pocket at 9-Ball Banks at si Reyes pa lamang ang may pagkakataon na makagawa nito dahil dati na rin siyang nagkampeon sa 9-Ball at One Pocket.
Pero walang suwerte ang 60-anyos na si Reyes dahil natalo siya kay Shannon Daulton, 2-3. (AT)
- Latest