Del Rosario kinuha ng Hapee
MANILA, Philippines - Matapos mapapirma sina Chris Newsome ng Ateneo at Arnold Van Ops-tal ng La Salle, nagdagdag pa ang Hapee Toothpaste ng isang champion player sa kanilang star-studded team para sa ha-ngarin na magkaroon ng matagumpay na pagbabalik sa amateur basketball.
Inihayag ni team manager Bernard Yang kahapon ang kanilang pagkuha sa serbisyo ni National University center Troy del Rosario na lalong nagpalakas ng frontcourt ng Lamoiyan franchise na pagmamay-ari ni Dr. Cecilio Pedro para sa Aspirant’s Cup ng PBA D-League.
“We are glad that he picked Hapee to be his team in the PBA D-League,” sabi ni Yang. “We are also hoping that his championship expe-rience in the record-breaking UAAP finals will rub on his Hapee teammates.”
Ang 6-foot-7 na si Del Rosario ay may malaking papel sa come-from-behind win ng NU laban sa Far Eastern University sa kanilang best-of-three title series na tumapos sa 60-taong paghihintay ng Bulldogs sa UAAP basketball title.
“Masaya po ako na nakapasok sa Hapee dahil may winning tradition sila and I want to be part of this proud team,” ani Del Rosario.
Bukod kina Del Rosario, Opstal at Newsome, nasa Hapee rin sina former two-time UAAP MVP Bobby Parks, dati ring NU player at ang NCAA MVP na si Earl Thompson ng Perpetual Help.
- Latest