Bangka lumubog sa Tawi-Tawi: 32 nasagip
MANILA, Philippines — Nasa 32 katao na sakay ng bangkang de-motor ang magkahiwalay na nasagip ng Philippine Navy at Malaysian vessel nang lumubog ito sa gitna ng karagatan malapit sa Taganak Island sa Tawi-Tawi.
Sa report, sinabi ni Lt. Chester Ross Cabaltera, Public Affairs Officer ng Naval Forces Western Mindanao, una rito naispatan ng Singaporean-flagged tanker Eonia ang M/L Bangsata na nagkaaberya habang naglalayag sa bahagi ng nasabing karagatan nitong Linggo kaya’t agad itong ini-report sa Philippine Navy.
Agad namang nagmobilisa ang Naval Monitoring Station (NMS)-Taganak at patrol craft PC 390 na nagsagawa ng agarang rescue mission.
Bandang alas-9:05 ng gabi nang makarating sa site ang PC 390 na nasa 17 nawtikal na milya sa timog silangan ng Taganak Island kung saan nakita ang mga survivors habang nakakapit sa mga debris at pira-pirasong bagay mula sa nasabing bangka.
Inihayag ni Cabaltera na alas-10:05 ng gabi nang masagip ang 26 survivors at agad na binigyan ng medical assistance, pagkain at masusuot na damit matapos na ilang oras na mababad sa dagat.
Samantala, anim pang pasahero ang na-rescue naman ng Malaysian vessel at kasalukuyan ng nakikipagkoordinasyon ang lokal na pamahalaan at ang Philippine Navy para sa ligtas na pagbabalik nila sa bansa.
Ganap na alas-11:40 ng gabi nang dumating ang PC 390 rescue vessel ng Philippine Navy sa Taganak Pier lulan ang 26 nasagip at itinurnover sa Taganak Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para sa kaukulang medikal atensiyon at pangangalaga.
Sa pahayag ng mga pasahero ang M/L Bangsata ay umalis sa pier ng Taganak Island dakong ala-1:45 ng madaling araw patungong South Ubian, Tawi-Tawi na may lulang 32 katao.
- Latest