2 binatilyo laging nag-aaway, pinagboksing ng kagawad!
MANILA, Philippines — Dahil sa laging nag-aaway, pinagboksing na ng isang barangay kagawad ang dalawang menor-de-edad sa Molo district sa Iloilo City.
Batay sa ulat, sinabing pinagsuot ng barangay kagawad na di pa pinangalan ng boxing gloves ang dalawang binatilyo na may edad na 14 at 15.
Ayon sa kagawad, matagal na umanong sakit sa ulo ang dalawang menor de edad na ayaw magpaawat sa pag-aaway. Pinanood naman sila ng ilang residente at tila tuwang-tuwa pa sa pagsusuntukan ng dalawa.
Subalit ikinagalit ng mga magulang at guardian ng mga menor de-edad ang ginawa ng kagawad.
Gayunman, humingi na ng tawad sa kanila ang kagawad, na inaming nagkamali siya sa ginawa.
Pinagsabihan na rin ng barangay captain ang kagawad.
Samantala, pinulong ng Iloilo City Social Welfare and Development Office ang mga sangkot sa insidente.
Nakatakdang isailalim sa rehabilitative counseling at community service ang dalawang nag-away na binatilyo.
- Latest