16-anyos nanggulpi, nanaksak ng kapwa binatilyo, arestado

MANILA, Philippines — Isang binatilyo na itinuturong nanggulpi at nanaksak sa kanyang kapwa binatilyo ang inaresto ng mga awtoridad sa Cainta, Rizal, nabatid kahapon.
Kasong frustrated homicide ang asuntong kakaharapin ng suspek na itinago sa alyas “RB”, 16, Grade 10 student, at residente ng Brgy. Dolores, Taytay, Rizal.
Sugatan naman ngunit nasa maayos nang lagay ang biktimang si alyas “JC”, 16, Grade 8 student, at residente ng Brgy. San Juan, Cainta, Rizal.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng Cainta Municipal Police, dakong alas-5:30 ng hapon noong Marso 17 nang maganap ang krimen sa Sunflower St., sa Brgy. San Juan, Cainta. Bago ang pananaksak ay nagtungo umano sa naturang lugar ang biktima nang samahan ang kanyang nobya sa cheer dance practice nito.
Gayunman, pagdating doon, pinagtulungan umanong bugbugin ng suspek at kanyang mga kabarkada ang biktima, sa ‘di pa batid na kadahilanan.
Sa kasagsagan ng pambubugbog, bumunot pa umano ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima sa ibabang bahagi ng kanyang katawan bago mabilis na nagsitakas.
Kaagad namang isinugod ng kanyang ina sa Cainta Municipal Hospital ang anak upang malapatan ng lunas bago nagtungo sa presinto upang magreklamo.
Mabilis namang naaresto ng mga pulis ang suspek sa isinagawang follow-up operation dahil sa kasong frustrated murder o bigong pagpatay.
- Latest