Misis naburyong, 4-anyos anak pinatay sa sakal!
Ilang araw ‘di inuwian ni mister
Dahil sa ilang araw na umanong hindi inuuwian ng kaniyang mister, pinaniniwalaang naburyong ang isang 25-anyos na ginang makaraang patayin sa sakal ang 4-anyos nilang anak na babae sa Cagayan de Oro City, ayon sa naantalang ulat kahapon.
Ang biktima na itinago sa pangalang Sophie ay idineklarang dead-on-arrival sa ospital matapos isugod ng kaniyang ina na itinago sa pangalang “Clara” at mga kamag-anak.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Cagayan de Oro City Police, naganap ang insidente sa tahanan ng mag-ina sa Brgy. Agusan, Cagayan de Oro City kamakailan.
Sinabi ng ina ng bata sa mga dokor na nadulas umano sa banyo ang bata kaya namatay sa kabila ng may bakas ng sakal sa kaniyang leeg.
Inaresto naman ng mga operatiba ng Cagayan de Oro City Police ang ginang at dinala sa himpilan ng pulisya upang maisailalim sa imbestigasyon.
Sa isinagawang masusing pagtatanong ng mga pulis, inamin ng ginang na nagawa nitong sakalin ang kaniyang anak dahil umano sa matinding galit matapos na ilang araw nang hindi umuuwi sa kanilang tahanan ang kaniyang asawa na hinihinala nitong may ibang babae.
Ang nasabing mister ay nasa Cebu City umano na hindi rin makontak o matawagan ng nasabing ginang kaya sa matinding galit ay napagdiskitahang patayin sa sakal ang anak.
Sinabi naman ng ginang na nagdilim lang umano ang kaniyang isip kaya nagawa ang krimen na labis niyang pinagsisihan.
Nahaharap ang ginang sa kasong parricide at paglabag sa Republic Act (RA 7610) o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination dahil sa pagpatay sa paslit na anak.
- Latest