^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Mag-ingat sa bagong variant ng COVID-19

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Mag-ingat sa bagong variant ng COVID-19

Hindi pa nawawala ang COVID-19. Narito pa ang kina­tatakutang sakit at maaring lumaganap na naman dahil sa bagong variant na tinawag na “FLiRT” na nagmula sa KP.2 at KP.3 variants. Sabi ng Department of Health (DOH) wala pang sapat na ebidensiya na magpapatunay na ang mga naturang variants ay nagreresulta sa malubha o critical na COVID-19.

Ayon sa tala ng DOH, mula Mayo 7-13, umabot na 877 na bagong kaso ng COVID-19 cases ang naiulat. Ito ay may average na 125 kaso kada araw. Mula Abril 30-Mayo 13, pitong pasyente naman ang naiulat na may severe o critical disease habang lima ang namatay. Ang mga severe at critical COVID-19 cases naman na naka-admit sa iba’t ibang pagamutan ay nasa 116.

Ayon pa sa DOH, nadagdagan ang mga okupadong ICU beds sa mga ospital. Noong Mayo 12, nasa 11 percent ang COVID-19 ICU beds ang okupado habang 13 percent ang COVID-19 non-ICU beds ang ginagamit.

Tiniyak naman ng DOH na ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases ay hindi magiging basehan para magpatupad ng travel restrictions. Nasa low risk umano sa COVID-19 ang mga rehiyon sa bansa at walang dapat ipag-alala.

Halos ganito rin ang sinabi ng DOH noong 2020 na nagsimulang kumalat ang COVID-19. Wala raw dapat ipag-alala ang mamamayan. Pero nagulat na lamang ang lahat sapagkat may mga nakapasok na palang dayuhan na may dalang virus mula sa China. Sa isang iglap, kumalat ang virus at saka lamang nag­higpit. Ipinatupad ang lockdown. Pero huli na sapagkat hindi na napigilan ang nakamamatay na virus.

Wala namang masama kung ipag-utos na magsuot­ muli ng face mask ang mamamayan. Napatunayan na ang pagsusuot ng face mask ay mabisang pananggalang sa virus.

Wala namang mawawala kung ipag-utos ang social distancing na sa loob ng dalawang taon ay ginawa ng mga tao. Kung may distansiya ang mga tao, mapipigilan ang paglipat ng virus.

Ipaunawa sa mamamayan na iwasan muna ang mga matataong lugar para hindi makasagap ng virus. Kung maari, manatili na lang muna sa bahay para makaiwas sa bagong variant.

Ipagpatuloy din ang nakaugaliang paghuhugas ng kamay at ang pag-disinfect sa mga gamit lalo na kung galing sa labas. Hindi na mahirap gawin ang mga ito sapagkat dati na itong ginawa at malaki ang naitulong sa pagsugpo sa pagkalat ng virus.

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with