Boto para sa kinabukasan
SA tuwing may eleksiyon, nangangarap tayo na makapaghalal ng mga kandidatong karapat-dapat marangal, matalino, at may tunay na malasakit sa bayan. Kabi-kabila ang idinaraos na voters’ education program para maturuan ang mga botante ng tamang pagpili sa mga kandidato.
Pero sa tuwing matatapos ang eleksyon, nadidismaya tayo sa nagiging resulta, sapagkat maraming nahahalal na talaga namang hindi karapat-dapat.
Maiiba kaya ang darating na eleksyon sa Mayo? Pag-usapan natin ang tungkol sa eleksyon ng mga senador. Ang Senado ay tagagawa ng mga batas na kailangan para sa pagsusulong ng kaunlaran, katarungan, at kaayusan ng lipunang Pilipino.
Ang dapat na maihalal na senador ay mga kandidatong may malawak na kaalaman at karanasan sa iba’t ibang larangan na tulad ng hanapbuhay at negosyo, agrikultura, kaunlarang panlipunan, batas, edukasyon at kultura, ekonomiya, katarungan, komunikasyon at transportasyon, at marami pang iba.
Ang isang kandidato sa pagka-senador ay kailangang maka-Diyos, maka-tao, at maka-kalikasan. Sino kaya ang mga mahahalal, ang mayroon ng mga ganitong katangian o ang mga wala?
Tila may isang pinatutunguhan ang pagpili ngayon ng mga senador—ang mga susuporta o lalaban sa pagtatanggal sa puwesto kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment proceedings. At ang pagiging tapat kay President BBM sa isang banda; at kay dating President Duterte sa kabilang banda. Sa madaling-salita, nauuwi ang lahat sa labanang Marcos-Duterte, kabaliktaran noong 2022 presidential election na nauwi ang lahat sa tambalang Marcos-Duterte.
Sa isang rally para iendorso ang mga kandidatong senador ng kanyang partido, nagbiro si dating President Duterte na kailangang pagpapatayin ang 15 senador sa pamamagitan ng bomba para mapuwesto ang mga kandidato ng kanyang partido.
Nagtawanan ang kanyang mga loyalista sa iniisip nilang nakakatawang biro. Pero sineryoso ito ng mga kritiko ni Duterte sa pagsasabing iyon ay isang napakairesponsableng pananalita.
Ang totoo, isang PNP General ang nagsampa ng reklamo laban kay Duterte, sa pangambang ito’y totohanin ng mga loyalista ng dating presidente.
Nakalulungkot na ganito ang uri ng pulitikang nakasanayan natin, kung saan ang nagiging sentro ay katapatan sa isang personalidad, kaysa sa bayan. Kaya ang mga loyalista ni Marcos, iboboto ang mga ieendorso niya kahit may ibang higit na karapat-dapat.
Gayundin naman ang mga loyalista ni Duterte, iboboto ang mga ieendorso niya kahit may ibang higit na karapat-dapat. Sa huli, ang biktima ay laging ang bayan. Sa tuwing matatapos ang isang eleksyon, lalo tayong nahahati, sa halip na magkaisa; lalong nababawasan ang ating pag-asa, sa halip na madagdagan.
Ang darating na eleksyon ay isang panawagan sa pagka-Pilipino ng bawat botante. Kung ikaw ay botante, ang balota mo ay boto hindi lamang sa isang indibidwal na kandidato, kundi boto mo para sa Pilipinas, boto mo para sa kinabukasan ng mga Pilipino na matagal nang nangangarap ng isang Pilipinas na maunlad at makatarungan. Ang boto mo ang tutupad o bibigo sa naturang pangarap.
Dismayado tayo sa uri ng mga batas na mayroon tayo at sa pagpapatupad ng naturang mga batas. Dismayado tayo sa uri ng pamamahala ng gobyerno. Dismayado tayo, pero tayo rin ang nag-upo sa mga taong naging dahilan ng ating pagkadismaya. Malungkot, pero maraming naniniwala na ito ang naghuhumiyaw na katotohanan—ito lang ang gobyernong karapat-dapat sa atin.
- Latest