Cocolife kukunin ang bonus sa Smart
Laro Ngayon (Batangas City Sports Center)
4 pm Foton vs Generika-Ayala
6 pm Cocolife vs Smart
MANILA, Philippines — Hahatawin ng Cocolife ang quarterfinal incentive sa pakikipagtuos sa mapanganib na Smart Prepaid sa pagdayo ng Philippine Superliga (PSL) Grand Prix ngayong araw sa Batangas Sports and Convention Center sa Batangas City.
Nais ng Asset Managers na pigilan ang Giga Hitters sa kanilang laro sa alas-6 ng gabi para makuha ang isa sa apat na twice-to-beat incentives sa quarterfinals.
Nauna nang nasungkit ng nagdedepensang F2 Logistics at Petron ang unang dalawang insentibo sa quarters matapos makalikom ng parehong 8-1 rekord.
Naghahabol din sa twice-to-beat ang two-time champion Foton na nakatakda namang humarap sa Generika-Ayala sa alas-4 ng hapon.
Sa ilalim ng Petron at F2 Logistics ang Cocolife (5-4), Foton (4-4) at Sta. Lucia Realty (4-5).
Hindi naman magiging madali ang daang tatahakin ng Asset Managers dahil determinado ang Giga Hitters na makuha ang unang panalo nito sa liga tampok si hard-hitting Cuban reinforcement Gyselle Silva.
“For me, Smart is a dangerous team. Gyselle Silva is one of the most talented imports in this conference and her team will be playing with nothing to lose. If Silva will play the way she’s playing in their last two or three matches and the locals will support her, then we’ll be in big trouble,” ani Cocolife coach Moro Branislav.
Ginulpi ng Asset Managers ang Giga Hitters sa kanilang unang paghaharap sa iskor na 25-20, 25-22, 25-13.
Ngunit ayon kay Branislav, maganda na ang chemistry ng Giga Hitters partikular na sina Silva, Sonja Trivunovic at local players Janeth Serafica, Maureen Penetrante-Ouano, Jeanie Delos Reyes at Genie Sabas.
Aasahan naman ni Branislav sina Serbian Sara Klisura at American Taylor Milton kasama sina Tina Salak, Mary Jean Balse-Pabayo, Joanne Bunag at star libero Denden Lazaro.
- Latest