Tropang Giga itinumba ang Gin Kings sa Game 1

MANILA, Philippines — Kaagad inangkin ng TNT Tropang Giga ang 1-0 lead sa kanilang championship series ng Barangay Ginebra matapos ang 95-89 panalo sa Game One ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup Finals kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Humakot si import Rondae Hollis-Jefferson ng 34 points, 13 rebounds at 8 assists para banderahan ang Tropang Giga, habang may 15 at tig-10 markers sina Roger Pogoy, Calvin ftana at Rey Nambatac, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni import Justin Brownlee ang Gin Kings sa kanyang 28 points, 15 boards at 6 assists.
Kaagad itinayo ng TNT ang 11-point lead, 29-18, sa first period mula sa magkadikit na three-point shots nina Glenn Khobuntin at Nambatac.
Pinalobo pa nila ito sa 57-39 sa pagsilip ng third quarter matapos ang basket ni Hollis-Jefferson.
Ilang beses nagpilit makalapit ang Ginebra sa likod nina Brownlee, Scottie Thompson at Japeth Aguilar.
Ang dalawang free throws ni Brownlee ang nagdikit sa Gin Kings sa 83-93 sa huling 1:41 minuto ng fourth period.
Ipinasok naman ni Hollis-Jefferson ang dalawang foul shots para muling ilayo ang Tropang Giga sa 93-83 sa nalalabing 53.1 segundo.
Nag-ambag si Thompson ng 17 points at may 13 markers si RJ Abarrientos.
- Latest