Liderato pakay ng Lady Altas kontra sa Lady Generals
MANILA, Philippines — Ang pagsolo sa liderato ang pakay ng University of Perpetual Help System DALTA sa pagsagupa sa Emilio Aguinaldo College sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament sa Arellano University Gym sa Legarda, Manila.
Lalabanan ng Lady Altas ang Lady Generals ngayong ala-1 ng hapon matapos ang upakan ng Arellano Lady Chiefs at Mapua Lady Cardinals sa alas-11 ng umaga.
Bitbit ng Lady Altas ang 4-0 record kasosyo sa liderato ang Letran Lady Knights na umiskor ng 25-18, 25-18, 26-24 panalo sa Lyceum Lady Pirates kahapon.
Muling sasandalan ni coach Sandy Rieta sa Lady Altas sina rookie Jemalyn Menor, Shaila Omipon, Winnie Bedaña, Bea Uy, Pauline Reyes, Camille Bustamante, Fianne Ariola, Jodi Lozano at Marian Andal.
May 1-3 baraha ang Lady Generals.
Inaasahan ang matinding paluan ng mga Lady Altas at Lady Generals para maitala ang panalo.
Samantala, inararo ng San Sebastian Lady Stags ang Jose Rizal Lady Bombers, 25-19, 25-20, 25-23.
Tangan ang 3-1 karta, lumakas ang kapit ng Lady Stags sa No. 4 spot matapos akbayan ni Christina Marasigan na nagtala ng 18 points.
Nakatuwang ni Marasigan sa opensa sina Katherine Santos, Kristine Joy Dionisio at Juna May Gonzales upang mabilis nilang kalusin ang Lady Bombers na nasalap ang ikaapat na kabiguan sa apat na laro.
Nagtala si Santos ng 12 markers mula sa 11 kills at isang service ace, habang tig-siyam ang tinibag nina Gonzales at Dionisio.
Bumida sa opensa para sa Kalentong-based squad si Karyla Rafaela Jasareno ng siyam na puntos, walong marka ang inambag ni Khreiszantha Batra, habang anim ang kinana ni Patricia Ann Del Pillar.
- Latest