Lady Tamaraws susuwagin ang Lady Spikers

MANILA, Philippines — Pareho ang nasa isip ng Far Eastern University at De La Salle University sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
Ito ay ang masolo ang No. 3 spot sa team standings na kasalukuyan nilang pinagsasaluhan tangan ang parehong 4-2 kartada.
Pero isa lang sa Lady Tamaraws at Lady Spikers ang kukuha sa No. 3 dahil magkatapat sila ngayong alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
“Siguro nga, ayun ang nagiging mindset kasi talagang contender na, kailangan talaga ipakita, hindi lang kailangang sabihin eh, kailangang trabahuin talaga na talagang contender tayo,” ani FEU assistant coach Manolo Refugia.
Sasandalan ng FEU sina Chenie Tagaod, Faida Bakanke, Gerzel Mary Petallo, Mitzi Panangin at Jean Asis upang suwagin ang pang-apat na sunod na panalo at manatiling malakas ang tsansa sa asam na korona.
Ipantatapat naman ng La Salle sina Season 85 Rookie-MVP Angel Anne Canino at opposite spiker Shevana Maria Nicola Laput laban sa matitinding armas ng FEU.
Samantala, maghaharap sa ala-1 ng hapon ang Ateneo De Manila University at University of the East para pagandahin ang kanilang karta.
Nasa ilalim ng standings ang Lady Warriors na wala pang panalo sa anim na laro habang naka puwesto sa seventh place ang Blue Eagles na may 1-5 record.
- Latest