Pangulong Marcos: ‘Labanan kagutuman, korapsiyon!
Hiling sa Pinoy sa Bonifacio Day
MANILA, Philippines — Hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino na parangalan ang buhay at kabayanihan ni Andres Bonifacio sa pamamagitan ng pag-alala at pagpapatuloy ng kanyang laban.
Sinabi ng Pangulo sa ika-161 kaarawan ni Bonifacio na utang ng mga Pilipino kay Bonifacio, ang Supremo ng Kataastaasan, Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK), ang pagbubukas ng ating pambansang kamalayan, pagpapahalaga sa ating pagkakakilanlan, at paggising sa ating diwa ng kalayaan.
“As we celebrate this auspicious occasion, let us remember the legacy of sacrifice that he and our forebears have demonstrated. We owe them a debt of gratitude for awakening our nationalist consciousness, upholding our sense of identity, and rousing our spirit of self-determination,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Giit pa ni Marcos, na ang pinakamainam na paraan upang parangalan si Bonifacio ay “ang maghanap ng mas malalim na kahulugan sa kanyang sakripisyo at gawin ang ating bahagi sa pagpapalaya ng ating bansa mula sa mga tanikala ng gutom, korapsyon, kriminalidad, at iba pang mga salot sa lipunan.”
Binigyang-diin din pa niya na ang mga simpleng pinagmulan ni Bonifacio ay hindi naging hadlang upang tuparin niya ang kanyang mga pangarap at layunin para sa ating bansa.
“With his courage, he lit the flames of the Philippine Revolution, which finally united our land and emboldened many to lay down their lives willingly for the cause of our motherland against the colonizers,” pahayag pa ni Marcos.
Pinangunahan naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang wreath-laying ceremony kay Bonifacio sa ngalan ni Marcos na bumisita sa mga biktima ng sunog sa Tondo.
Samantala, sinabi naman ni Vice Pres. Sara Duterte na ang pag-alala sa sakripisyo ng Supremo ay dapat magmulat sa kamalayan ng bansa tungkol sa mga pagsubok na kinakaharap nito tulad ng gutom, kahirapan, kawalan ng trabaho, at kakulangan sa mga serbisyong panlipunan.
Binigyang-diin ni Duterte na ang pamana ng lider-rebolusyonaryo ay ang kalayaan ng bansa mula sa mga mananakop at na kinakailangan nating pangalagaan at ipaglaban ito.
- Latest